Sa Tamang Panahon 

Sa pagtigil ng ulan, ramdam ang lamig na bumalot,
Sa lugar na puno ng dilim, at takot na nagbabalot.
Takot na baka ang pangarap ay maglaho nang kusa,
At tuluyang makalimutan ang mga pangako at mga risa.

Mula sa isang maliit na lugar, nagsimula ang mga pangarap,
Na sana balang araw, lahat ng saya’y madarama’t matanggap.
Gamit ang mga kamay, isinulat ang bawat hiling,
Kasabay ng dasal, na sana’y dumating ang tamang panahon sa aking tingin.

Buong tapang, hinarap ang bawat delubyo,
Kasama ng kabiguan, at mga sakripisyo’y tumpok.
Tulo ng luha, saksi sa sakit na nalagpasan,
Patuloy na humarap sa munting hiling ng kasaganahan.

Paulit-ulit man malunod sa kabiguan,
Paulit-ulit man masaktan sa hirap ng daan.
Hindi magiging hadlang ang bawat sakit at pagluha,
Ang puso at isipan, handa sa hinaharap na dala.

Darating din ang panahon, saya’y makakamtan,
Malilimutan ang lungkot, ang sakit na naranasan.
Matutunang tumayo, hindi susuko,
Sa bawat hamon ng buhay, pipiliing maging buo.

Dasal ang magiging gabay sa bawat desisyon,
Laging alalahanin, lahat ng bagay may solusyon.
Kasabay ng pangarap, pag-asa’y ibibigay,
Sa iba ring naglalakbay, na sana’y makita ang tagumpay.

Kahit malabo at mahirap ang mga mithiin,
Kahit walang sumusuporta, at wala mang kumampi,
Hindi hahayaang mawalan ng pag-asa sa buhay,
Hindi hahayaang mawalan ng saysay ang bawat sakripisyo’t ang bawat luhang ginugol.

Sa bawat gabi na dumarating, may araw na sisikat,
Ang munting pangarap ay mararating, unti-unti, tiyak.
Darating ang araw at aalalahanin ang mga hiling sa kahapon,
Sa paniniwala, makakamtan din ang lahat ng pangarap, sa tamang panahon.

Share this Post

© 2025 Livingherownlife by Lea Pearl, All Rights Reserved