Hiling 

Napakaraming rason para ako’y bumigay,
Dito sa mundo na hindi mo alam kung saan ka mailalagay.
Sa maliwanag na parte ba, puno ng saya?
O sa madilim na lugar, na kung saan wala kang kawala?

Ilang beses na rin akong nawalan ng pag-asa,
Sa dami ng pagsubok na nagsasabing “bumitaw na.”
Na lahat ay imposible, kahit anong subok na gawin,
Sa pag-abot ng pangarap na hindi para sa akin.

Sa bawat sugat na dulot ng aking pagdapa,
Ramdam ang sakit ng bawat agos ng luha.
Na tila ba’y napakadaling abutin ang inaasam na panalangin,
At tuluyang masabi na “sa wakas, nakuha ko na ang para sa akin.”

Sa karera ng buhay, may magwawagi at may uuwi,
Ako’y pipiliing manalo, kahit anong mangyari.
Mga pangarap ko na sabi nila’y hindi makatotohanan,
Napakalayo man, unti-unti ko itong paghahandaan.

Hindi ako susuko sa kahit anong hamon ng buhay,
Ngiti ang aking magiging sukli sa mga sugat ng aking mga kamay.
Ang bawat marka ay magsisilbing gabay para hindi bumitaw,
Saan man magpunta, buong ipagmamalaki at isisigaw.

Pupunuin ng saya ang bawat araw na magdadaan,
Kasabay ng paghakbang tungo sa inaasam na kalayaan.
Lakas ang aking magiging baon sa ano mang hamon sa hinaharap,
At lahat ng ito ay para sa aking dakilang pangarap.

O kay gandang isipin na lahat tayo’y binigyan ng pagkakataon,
Na makamit ang kahit anong pangarap na ating iniisip noon.
Na lahat tayo’y binigyan ng oras para ito’y unti-unting makamit,
At masabi sa ating sarili na “sulit ang bawat sakit.”

Nasa simula man ako ngayon at malayo pa ang aking pupunuing panahon,
Paulit-ulit man akong bumagsak, patuloy akong aahon.
Buong puso kong haharapin ang mga pagsubok na darating,
Para sa pagkamit ng aking mga hiling.

Share this Post

© 2025 Livingherownlife by Lea Pearl, All Rights Reserved